November 3, 2024

LIGTAS 3 isolation facility ng Las Pinas, pinasinayaan

Ipinakita ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways kay Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar- Nery ang 96 unit ng LIGTAS III COVID-19 Quarantine Isolation Facilities sa Almanza Dos sa Las Piñas City na proyekto ng National Development Company upang pangasiwaan ng local government unit para sa mga  positibo sa coronavirus matapos pasinayahan kahapon. (DANNY ECITO)

PINASINAYAAN ng Las Pinas City Government ang bago nitong karagdagang COVID-19 isolation facility na tinawag na LIGTAS 3, sa Barangay Almanza Dos, sa Las Pinas City, kahapon ng umaga.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng lokal na pamahalaan sa kanyang tuluy-tuloy na Anti-COVID response efforts upang labanan ang pagkalat ng virus sa lungsod.

Pinangunahan nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark A. Villar,ang tinaguriang “Big Brother” ng lungsod ng Las Pinas, City Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar at City Vice-Mayor April Aguilar-Nery, ang isinagawang inagurasyon ng LIGTAS 3, dakong 9:30 ng umaga.

Ang bagong LIGTAS 3 isolation facility ay gawa sa 24-container vans (40-footer) na dinonate ng DPWH, may kabuuang 99-rooms na fully airconditoned,single bed at may malinis na kanya-kanyang comfort room o palikuran, 96 rito ang inilaan sa mga pasyente, dalawang kuwarto para sa mga nurse at isa naman ang ginawang X-ray room ng pasilidad na nasa bakanteng lote ng Good Year Building, sa Brgy. Almanza Dos.

Matatandaan na pinamamadali ni Sec. Villar sa DPWH personnel ang konstruksiyon ng nasabing karagdagang isolation facility sa nakalipas niyang pagbisita kasama ang kanyang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease – Coordinated Operations to Defeat Epidemic (IATF-CODE) Team,  sa Las Pinas City Hall noong September 5,2020.

Isang memorandum of agreement (MOA) din ang nilagdaan sa pagitan ng Las Piñas Government at ng DPWH ukol sa rehabilitasyon ng disaster-related infrastructures at pagtatayo o konstruksiyon  ng medical facilities para sa mga pasyente ng Covid-19 at mga healthcare workers.

Pinasalamatan ni Mayor Mel Aguilar ang all out support na ipinagkakaloob ni Sec. Villar at ng kanyang IATF-CODE Team sa mga hakbang ng Las Pinas City Government upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod.

Binigyang-diin pa ng alkalde na hindi magpapakampante ang lokal na pamahalaan kasabay ng pagtiyak nito sa kapakanan at seguridad ng kanyang mga kababayan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Ang ating lokal na pamahalaan ay hindi magpapakampante at patuloy na ginagawa ang mga kaukulang hakbang upang tugunan ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Aguilar.

Samantala , ang Las Pinas City ay kabilang sa mga siyudad sa Metro Manila na may mababang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19, mayroong pinakamataas na recovery rate at mababang active cases.

Sa datos ng City Health Office nitong November 15, nasa 103 ang active cases, 4,870 ang confirmed COVID-19 cases, 4,573 rito ang gumaling o nakarekober na mula sa sakit habang 194 naman ang naitalang namatay.

Sa tuluy-tuloy na isinasagawang Expanded Targeted Testing ng lokal na pamahalaan, target na maisailalim sa swabbing test ang 300 katao sa bawat araw, mas pinaigting din ng CHO ang kanyang contract tracing katuwang ang 100 contact tracers sa lungsod  na maisailalim sa swab testing.



Muling nanawagan ang Las Piñas Government sa mga residente na manatiling sumunod sa health and safety protocols upang maiwasang mahawa sa sakit.