September 19, 2024

Lider at 3 miyembro ng “Onie Drug Group”, kalaboso

NASAKOTE ng mga awtoridad ang No. 1 drug personality ng Northern Police District at kanyang kasama nito gayundin ang tatlong miyembro ng “Onie Drug Group” sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City nitong Miyerkoles.

Kinilala ni NPD Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang mga naarestong mga suspek na si Renato Perez, alyas “Onnie”, 32, No. 1 sa Top 10 drug personality at leader ng Onie Drug Group, residente ng No. 171, Libis Talisay Dulo, Brgy. 12, at Jumy Samson, 38, Blk. 39, Lot 4, Salay-Salay St., Brgy. 12.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 110 gramo ng shabu na may Standard Drug price P748,000.00 ang halaga, P1,000 tunay na pera na nakabugkos sa 11 pcs 1,000 boodle money at sling bag.

Naaresto rin ang tatlong pinaniniwalaang miyembro ng “Onie Drug Group” kabilang ang isang bebot sa parking lot ng Victory Mall.

Nakumpiska sa kanila ang dalawa pang medium knot tied plastic bag na naglalaman ng hindi matukoy na dami at halaga ng shabu, 1 pc P1,000 tunay na pera na nakabugkos sa 5 pcs 1,000 boodle/buy-bust money, cellphone at kulay gray na Toyota Corolla na may plakang (XTW-672).

Kakasuhan ng mga paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek.