November 24, 2024

LIBRENG COVID-19 TEST SA MANGGAGAWA, HANDOG NG NAVOTAS

HINIKAYAT ni Mayor Toby Tiangco ang mga kumpanya sa Navotas na ipa-test ang kanilang mga empleyado sa libreng community testing ng lungsod para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Hinihikayat ang mga kumpanya na isailalim sa COVID-19 screening ang kanilang mga manggagawa. Bagaman marami ang gustong sumunod, nahihirapan sila sa presyo ng swab test kits na karaniwan ay umaabot ng P8,000,” ani Mayor Toby Tiangco.

“Ang Navotas, sa tulong ng ating pamahalaang nasyonal, ay naghahandog ng libreng swab test sa mga residente. Bukas din ito para sa lahat ng mga kumpanya na nais ipa-test ang kanilang mga kawani, Navoteño man sila o hindi,” dagdag niya.

Ayon kay Tiangco, importante na isama ang mga manggagawang hindi Navoteño dahil kung magpopositibo sila sa test, maaari rin nilang mahawaan ang kapwa nila empleyado na naninirahan sa lungsod.

Ang mga interesadong kumpanya ay maaaring makipag-ugnay sa City Business Permits and Licensing Office sa mga numerong ito: (0921) 376 2006 at (0921) 890 7520.

Nagpapadala ang Navotas ng 1,000 residente araw-araw sa Palacio de Maynila sa Malate para sa swab test.

Karagdagang 1,000 naman bawat araw ang sumasailalim sa test sa mga designated testing facilities sa Navotas habang nakataas ang lockdown sa lungsod.

Ang pamahalaang lungsod ay nagpatupad ng 14-araw na lockdown mula July 16 hanggang July 29 matapos itong magtala ng mabilis na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Nasa 12,674 swab test ang nagawa na simula noong Marso nang unang magkaroon ng kumpirmadong kaso ng nasabing sakit sa lungsod.