December 26, 2024

Las Piñas naghanda ng Zafari at Toy Carnival-inspired theme sa bakunahan para sa edad 5-11 anyos; 1,500 bata target mabakunahan

Naghanda ang Las Piñas City government ng isang Safari at Toy Carnival-inspired themes sa kanilang mga vaccination sites para sa pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19 ang mga batang edad lima hanggang 11 taong gulang sa lungsod, ngayong Martes, Pebrero 8.

Inihayag ni Mayor Imelda Aguilar na ang vaccination site sa SM Center ay naghanda ng Safari-inspired theme habang Toy carnival theme naman ang inilatag sa The Tent upang pagaanin ang kalooban ng mga bata habang naghihintay sila na mabakunahan. 

Ayon pa kay  Mayor Aguilar, magkakaroon naman ng film showing para sa mga bata upang malaman ng mga ito ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Bukod sa film showing ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna, sinabi ni Aguilar na naghanda rin sila ng cartoons show para  hindi mainip ang mga bata.

Idinugtong pa ng alkalde na ang Las Piñas City government ay magkakaloob ng coloring materials at bags of candies sa mga magpapabakunang bata sa SM Center habang mga lobo/balloons at cotton candies ang ipamamahagi naman sa The Tent.

Aniya, target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang 1,500 hanggang 2,000 na mga bata bawat araw.

Samantala, personal namang tinutukan ni Vice-Mayor April Aguilar ang mga aktibidad sa mga vaccination sites para sa mga bata kung saan pinuri ng mga kinatawan ng Department of Health (DOH) na sina Dr. Aleli Grace Sudiacal, Asst. Regional Director at Dr. Ara Jurao, Infectious Diseases Cluster Head, ang kalinisin at kaayusan ng mga inihandang vaccination sites ng Las Piñas LGU.

Sinabi ng bise-alkalde na simula nang buksan ang online registration ng “Bakunahan sa Kabataan” program noong Enero 29, nakapagtala ang City Health Office (CHO) ng kabuuang 11,246 registrants nitong Pebrero 7 buhat sa mahigit 79,000 na populasyon nito.

Idinagdag pa nito na kapag tumaas pa ang bilang ng nagparehistro ay agad na magdaragdag ng mga vaccination sites ang lokal na pamahalaan.