January 23, 2025

LAPID: RENEWABLE ENERGY SOURCES, SAGOT SA BROWNOUTS

RENEWABLE ENERGY, SAGOT SA BROWNOUTS: Nagkaisa sina Sen. Lito Lapid at Cong. Dino Yulo ng Negros Occidental na palakasin ang Renewable Energy(RE) para solusyunan ang krisis sa kuryente sa Western Visayas at iba pang lugar sa bansa.

IGINIIT ni Senador Lito Lapid na malaki ang maitutulong ng paggamit ng renewable energy sources sa nararanasang brownouts sa Negros Occidental, Panay Island at iba pang lugar sa bansa.

Sinabi ni Lapid na magandang pag-ibayuhin ang paggamit ng renewable energy gaya ng araw(solar), hangin(wind), waves(alon) at iba pang sources.

Sa gitna ng matinding tag-init, sinabi ni Lapid na maaaring i-harvest o ipunin ang sikat ng araw sa pamamagitan ng solar panels na syang magiging suplay sa power grid sa isang bayan o lalawigan.

“Kung tutuusin, bilang tropikal na bansa, maswerte pa ang Pilipinas dahil sa sagana sa sikat ng araw. Kailangan lang na mas maraming mag-invest na mga pribadong kumpanya sa solar industry para makatugon sa kakapusan ng suplay ng kuryente,” giit ni Lapid

Sa pagbisita sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental, napag-alaman ni Lapid na madalas magkaroon ng brownouts sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines(NGCP).

“Sana wag na pong maulit ang nangyaring brownouts sa Iloilo noong January hanggang March 2024. Kung walang suplay ng kuryente, walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang ating mga kababayan. Kaya naman importante ang bastanteng power supply para sa katatagan at kaunlaran ng bansa,” pahayag pa ni Lapid.

Nitong Lunes, April 8, pinasinayaan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang Cebu-Negros-Panay Backbone Project Stage 3(CNP3) sa Brgy. Mansilingan, Bacolod City na inaasahang makalulutas sa problema ng brownouts sa Western Visayas.

“Suportado po natin ang hakbang ni Pangulong BBM na masolusyunan ang kakapusan sa kuryente, di lang dito sa Negros kundi sa buong Pilipinas. Maganda ang hakbangin niya na mas paunlarin at palakasin ang paggamit ng renewable energy sources sa gitna ng nararanasang El Nino phenomenon. Dapat din mabigyan ng insentibo ang mga renewable energy generators,”

dagdag pa ni Lapid.

Kinatigan rin nina Congressman Dino Yulo at  Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson ang paggiit ni Lapid na palakasin ang paggamit ng renewable energy at tiniyak na tatanggapin nila sa probinsya ang mga kumpanyang gustong mag-invest sa power generation.

Ang pinasinayaang CNP Phase 3 project ay may overall capacity na 3,800 megaVolt Amperes(mVA) at binubuo ng 442 circuit kilometers ng bagong transmission lines, 98 circuit kilometers ng submarine cables at ang pagtatayo ng anim na bagong substations sa Western Visayas.