May 3, 2024

2 PILOTO PATAY SA BUMAGSAK NA PHILIPPINE NAVY CHOPPER SA CAVITE

DALAWANG piloto ang namatay nang bumagsak ang sinasakyan nilang chopper ng Philippine Navy sa Cavite City kaninang umaga.

Pumanaw ang dalawang piloto na sakay ng R22 Robinson helicopter na kinilalang sina Lieutenant John Kyle Borres, 31, at Ensign Izzah Leonah Taccad, 27, na pawang naka-assigned sa Naval Airwing Sangley Point ng naturang lungsod.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Cavite City Police Station nagsagawa umano ng emergency landing ang nasabing helicopter nang mangyari ang aksidente dakong alas-6:30 ng umaga.

Sinabi naman ng Philippine Navy na grounded muna ang lahat ng R22 Robinson Helicopter sa paglipad hanggang sa matapos nila ang ginagawang masusing imbestigasyon sa nangyaring aksidente. (KOI HIPOLITO)