May 12, 2024

Lalaking nasa drug watchlist ng Pasig City Police, timbog

ARESTADO ang isang lalake habang nasamsam sa kanyang pag-iingat ang tinatayang P400,000 na halaga ng bawal na droga  sa ikinasang  drug buy-bust operation ng mga otoridad  sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City.

Kinilala ni Pasig police chief P/Col. Moises Villaceran Jr. ang   suspect na si Verne Español, alias Beng, 49, ng Countryside Street, Barangay Sta. Lucia.

Si Español ay nabatid na nasa drug watch list ng  Pasig City Police.

Ayon kay Villaceran, dinakip si Español matapos na magbenta ng bawal na droga sa isang pulis na umaktong buyer sa Countryside, Barangay Sta. Lucia alas 9:30 ng gabi.

Narekober sa suspect ang 17  plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang 65 grams at nagkakahalaga ng  P442,000 kasama na ang  P500 na drug bust money.

Ipaghaharap ng kasong paglabag sa  Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naturang tulak ng bawal na droga.