October 16, 2024

Lalaking nagti-trip manaksak sa Valenzuela, arestado

ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong pagtripang pagsasksakin ang isang mister na dumaan lamang sa kanyang harapan sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na isang 32-anyos na residente ng Brgy. Bagbaguin habang ang biktima ay 40-anyos na residente naman ng Brgy. Canumay East.

Lumabas sa imbestigasyon ni PSSg Larry Legazpi, papasok na sa kanyang trabaho ang biktima sa Narciso St., East Service Road, Brgy., Canumay East nang bigla na lamang umanong pagsasaksakin ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan

Sa kabila ng tinamong mga saksak, nagawang makalayo ng biktima hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Sub-Station (SS1) na sina PSSg Rosario Cruz Jr at Pat Ericson Bulahao.

Kaagad isinugod ang biktina sa Valenzuela Medical Center kung saan siya patuloy na ginagamot habang naaresto naman ang suspek ng mga tauhan ng SS1 at narekober sa kanya ang patalim na ginamit sa pananaksak.

Ayon kay P/Capt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), tinitignan pa nila ang anggulong trip lang ang ginawang pananaksak ng suspek sa biktima at ang posibleng sakit nito sa pag-iisip.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban kanya.