May 17, 2024

Lalaki sinaksak sa leeg nang tumanggi sa sex

SUGATAN ang isang lalaki matapos saksakin ng hindi kilalang suspek nang tumanggi ang biktima sa alok ng isang babae na makipagtalik sa kanya sa Malabon City, Sabado ng madaling araw.

Nasa stable na kondisyon na habang ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) ang tinamong saksak sa leeg ng biktimang si Wilson Arenas, 50 ng M. Blas Brgy. Hulong Duhat.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina PSSg Michael Oben at PSSg Bengie Nalogoc, lasing ang biktima at habang naglalakad ito sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Flores pauwi nang lapitan ng isang hindi kilalang babae at inalok umano ng sex dakong ala-1:50 ng madaling araw.

Gayunman, tumanggi ang biktima subalit bigla na lamang dumating ang isang hindi kilalang lalaki at walang sabi-sabing sinaksak sa leeg si Arenas bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon sakay ng isang bisikleta,

Isinugod naman ng concerned citizen ang biktima sa Ospital ng Malabon at kalaunan ay inilipat sa TMC hospital habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.