December 21, 2024

Lalaki na wanted sa statutory rape, nadakma sa Valenzuela

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang matandang binata na wanted sa kasong statutory rape matapos madakip ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong akusado na si alyas “Egay”, 52, ng Brgy. Bagbaguin.

Ayon kay Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. Maysan ang presensya ng akusado na nakatala bilang Top 2 MWP sa lungsod kaya inatasan niya ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa kanya.

Sa pangunguna ni P/Lt Jaime Abarrientos, kasama sina PMSg Junrey Singgit, PSSg Jonathan Mansibang, PSSg Neil Maurice Mendoza, PSSg Kollen Primo at PCpl Roland Buenaventura sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Roel Sison, hepe ng SIDMS, agad nasagawa ang WSS ng operation na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong alas-12:30 ng tanghali sa Lucas St., Brgy. Maysan.

Ang akusado ay binitbit ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong November 4, 2024, ni Presiding Judge Evangelista S. Mendoza-Francisco ng Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City para sa kasong Statutory Rape (2 counts) na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri naman ni NPD Director Ligan, ang Valenzuela police para sa hindi natitinag na pangako at dedikasyon nito sa pagtataguyod ng hustisya.