June 25, 2025

Lalaki na wanted sa carnapping sa Valenzuela, timbog

BAGSAK sa kulungan ang 41-anyos na lalaki na wanted sa kasong carnapping matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas ang pagtugis sa akusadong si alyas “Juan”, matapos ang natanggap na impormasyon na namataan kanyang presensya sa lungsod.

Dakong alas-6:30 ng gabi nang tuluyang makorner ang akusado ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police sa Brgy. Mapulang Lupa, gamit ang BWC para sa transparency at pagsunod sa proper procedures.

Maayos namang naisilbi sa akusado ang warrant of arrest para sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016 na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court, Branch 171, noong Agosto 31, 2023, bilang bahagi ng service of sentence.

Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District, ang matagumpay na pagkakaaresto sa akusado na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga indibidwal na may kinahaharap na kasong kriminal, upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod.