December 24, 2024

Lalaki na nasita sa paninigarilyo, dinampot sa baril

SWAK sa selda ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril makaraang masita ng mga pulis dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa Phase 2, Bagong Silang, Brgy. 176 dakong alas-2:20 ng madaling araw nang maispatan nila ang isang lalaki na naninigarilyo sa pampublikong lugar.

Dahil malinaw na paglabag ito sa umiiral na ordinansa sa lungsod, nilapitan siya ng mga pulis at hinanapan ng ID para maisyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) subalit, biglang tumakbo ang suspek para tumakas.

Hinabol siya ng mga pulis hanggang aksidenting matalisod ang suspek kaya nakorner siya ng mga arresting officer at dito napansin nila ang nakausling puluhan ng baril na nakasukbit sa kanang baywang nito.

Kinumpiska ng mga pulis sa suspek na si alyas “Karding” ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala subalit, wala siyang naipakitang mga kaukulang dukomento hinggil sa legalidad ng nasabing baril kaya pinosasan siya ng mga arresting officer.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.