December 25, 2024

Lalaki na nasita sa paninigarilyo, binitbit sa boga

SWAK sa selda ang isang lalaki nang mabisto ang dalang baril makaraang tangkain takasan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa kahabaan ng Phase 7C, Bagong Silang, Brgy. 176 dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maispatan nila ang isang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Nang hanapan siya ng ID para maisyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay bigla umano nitong itinulak ang mga pulis saka kumaripas ng takbo upang tumakas kaya hinabol siya ng mga parak.

Gayunman, natalisod at nadapa umano ang suspek kaya naabutan siya ng mga arresting officer at dito nila napansin ang nakausling puluhan ng baril na nakasukbit sa kanang baywang ng lalaki.

Kaagad pinosasan ng mga tauhan ni Col. Lacuesta ang suspek na si alyas “Popoy” at kinumpiska ang dala niyang isang cal. 38 revolver na may dalawang bala.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.