
SA loob ng kulungan isinilbi ng pulisya ang arrest warrant laban sa isang lalaki na unang nadakip sa anti-illegal gambling operation nang mabistong wanted sa labing-isang bilang ng panggagahasa sa Malabon City.
Batay sa ulat, unang nadakip ang 39-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Catmon ng mga tauhan ni Malabon Police Acting chief P/Col. Allan Umipig sa anti-gambling operation nang maaktuhang nasusugal ng ‘cara y cruz’.
Nang tignan ang kanyang record, nadiskubre ng pulisya na wanted ang suspek sa 11 counts of Rape under Article 266-A of the Revised Penal Code, as amended by R.A. 8353 kaya agad inatasan ni Col. Umipig ang kanyang mga tauhan na arestuhin ang akusado.
Dakong alas-10:55 ng umaga nang isilbi ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa akusado sa loob ng selda ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 170, Malabon City, noong August 6, 2025 para sa 11 counts of Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
