

ARESTADO ang 44-anyos na lalaki matapos inguso sa pulisya na may dalang baril habang gumagala at makuhanan pa ng shabu sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na may dala umanong baril habang gumagala sa Katipunan St. Brgy. Bayan Bayanan.
Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 kung saan nakita nila ang suspek na may bitbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan bago sinunggaban dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Nakumpika sa suspek na si alyas “Dave”, ng Brgy. Baritan ang isang improvised firearm (pen gun) na kargado ng isang bala at nang kapkapan, ay nakuha pa sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), ang mabilis na pagtugon at mapagpasyang aksyon ng mga tauhan ng Malabon CPS para sa kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa krimen.