September 8, 2024

LALAKI BINOGA SA ULO NG KASAMA, DEDBOL

TODAS ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos barilin sa ulo ng kanyang kasama habang may kausap sa kanyang cellular phone sa madilim na eskinita sa Caloocan City.

Nakita na lamang ng mga residente ng Marvan Compound, Brgy. 176, Bagong Silang, ang duguang bangkay ng lalaking tinatayang nasa edad na 20 hanggang 25, may tattoo na “Cristel Marie M.” sa likod at “Arvin” sa tagiliran matapos nilang marinig ang isang putok ng baril dakong alas-12:00 ng hatinggabi ng Biyernes.

Sa tinanggap na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakita ng 28-anyos na testigo ang biktima, kasama ang lalaking bumaril sa kanya, na naglalakad mula sa Abot-Kamay Covered Court patungo sa Phase 4, Package 9, Block 78, Marvan Compound.

Pagpasok ng dalawa sa isang eskinita, dito na binaril ng suspek ang biktima na nakita na lang nakabulagta at tigmak ng dugo sanhi ng isang tama ng bala sa ulo habang mabilis ng tumakas ang salarin patungo sa hindi nabatid na lugar.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang basyo ng kalibre .9mm sa lugar na kanilang isusumite sa Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) upang isailalim sa ballistic examination.


Ayon kay Col. Lacuesta, patuloy silang nagsasagawa ng follow-up operation para sa pagkakakilanlan sa biktima at sa suspek pati na rin sa pagtukoy sa motibo ng pagpatay.