May 4, 2024

Lalake dinukot ng grupo ng mga kalalakihan sa Batangas

NAGLATAG na ngayon ng manhunt at search operation ang mga tauhan ng Lipa City Police Station sa nangyaring sapilitang pagdukot sa isang lalakeng biktima ng mga grupo ng mga kalalakihan na nangyari noong April 17, 2024 sa Barangay Bugtong na Pulo, Lipa City, Batangas.

Kinilala ang biktima na si Nestor Liwanag, 41, residente ng Purok B, Brgy. Santiago, Malvar Batangas.

Base sa ipinadalang report ng Lipa City Police Station kay Batangas Police Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte, nagtungo sa kanilang istasyon noong araw ng Miyerkules, April 24, 2024,  sina Mary Grace Liwanag, 36, ang kapatid na babae  at ang dating live-in parner ng biktima na si Salvacion Magalona, 43-anyos.

Base sa salaysay ng mga kaanak ng biktima umalis ng kanilang bahay si Nestor, na nakasuot ng jacket na kulay apple green, black short pants, tsinelas, at may mga tattoo sa kanyang katawan sakay ng isang Rusi motorcycle bandang alas-4:30 ng hapon noong nakaraang linggo para makipagkita sa suspek na si  Randy Diaz alyas “Randy”,43, residente ng Barangay Sabang sa Lungsod ng Lipa.

Nakita sa CCTV footage ng Barangay Bugtong na Pulo na bandang 4:40 ng hapon nang dukutin ang biktima ng tatlong suspek at isinakay ito sa isang van na hindi naplakahan na nagtungo sa direksyon sa bayan ng Malvar.

Nakatakdang sampahan ng kasong Kidnapping at Abduction sa korte ang mga suspek at nag-abiso na rin ng flash alarm ang mga otoridad para sa agad mahanap ang biktima. (KOI HIPOLITO)