May 18, 2024

KRIS BERNAL, FREELANCER NA AT PWEDE NANG LUMIPAT SA IBANG TV STATION

ANG mainit na usap-usapan ngayon ay ang pag-expire ng kontrata ni Kris Bernal sa GMA-7. Mukhang wala pang plano kay Kris na muli siyang pumirma ng kontrata sa kanyang home network. Kung tutuusin, nandoon na siya for almost 13 years. Pero bakit mukhang duda na muli siyang ikokontrata? Ano kaya ang pumipigil sa management para muli siyang kunin?

Marami tuloy ang haka-hakang mga naglalabasan na may plano na siyang lumipat sa TV5 kaya atubili na siyang muling kunin. Ngayong freelancer na ang kanyang sitwasyon, mukhang guest na lamang siya sa ibang mga drama shows gaya ng ‘Wish Ko Lang’ at ‘Tadhana.’ Bakit kaya wala na siyang teleseryeng ginagawa ngayon sa Kapuso network at ano na ang nangyari sa pag-mamanage ng GMA Artist Center sa kanyang showbiz career? Sign na kaya ito na pinapayagan na siyang lumipat sa ibang TV station? O baka naman hindi na talaga intresado sa kanya ang GMA-7, kaya atubili itong papirmahin agad ng another contract nila?

Pero ayon kay Kris, hindi niya pangungunahan ang desisyon ng Channel 7. Malaki ang tiwala niya na sila pa rin ang magmamanage ng kanyang showbiz career, dahil sila naman daw ang gumawa at tumulong sa kanya para makilala at sumikat. Malaki pa rin daw ang kanyang kutob na may tiwala pa rin sa kanya ang nasabing network. Dala raw siguro ng sitwasyon ngayon kaya, hindi pa rin sila magkaroon ng final desisyon. Ayon iyan sa kampo ni Kris na umaasa pa rin na sa GMA pa rin siya magta-trabaho.