WALANG KAWALA sa Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Koreano na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa million-dollar investment scam.
Naaresto noong Martes ng umaga si Soung Young Ho, 51, sa isinagawang joint operation ng mga miyembero ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI at Korean authorities sa Bgy. Anunas, Angeles City, Pampanga.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ipade-deport si Soung dahil sa pagiging undesirable alien sapagkat siya ay isa ring wanted fugitive.
Isiniwalat ni Morente na si Soung ay subject ng Interpol red notice at ang kanyang pasaporte ay kakanselahin na rin ng Korean government, na maglalagay din sa kanya bilang undocumented alien.
“We were also informed that a warrant for his arrest was issued the Central District Court in Seoul where he was charged with large-scale fraud,” ayon sa BI chief.
Dagdag pa nito na ilalagay sa blacklist ng bureau ang nasabing Koreano pagkatapos niyang ipa-deport.
Sa nakalap na impormasyon ng BI, lumalabas na noong Hunyo 2015 ay natangayan ni Soung ang kanyang kababayan ng US$ 1.1 na milyon matapos niyang hikayatin ang biktima na mag-invest sa isang casino business na magsisimulang mag-operate sa Clark Field, Pampanga.
Ayon sa ulat, naudyukan umano ng supek ang biktima na bigyan siya ng 1.3 billion won bilang share niya sa negosyo matapos pangakuan na tatanggap ito ng kalahati ng kita o kita na makukuha mula sa operasyon ng casino.
Natanggap umano ni Soung ang pera na 48 na beses hulugan sa pagitan ng Agosto 2015 at September 2017. Bagama’t lumalabas na hindi naman nag-o-operate ang sinasabing negosyo.
Nakakulong ngayon si Soung sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanyang deportation.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna