April 26, 2025

Kontratista sa Pasig, Kinuwestiyon ang P9.6-B City Hall Project ni Mayor Vico

PASIG CITY – Hinamon ng lokal na kontratista na si Selwyn Lao si Mayor Vico Sotto na ilabas ang buong kontrata at findings ng P9.6-bilyong bagong Pasig City Hall project, sa gitna ng mga alegasyon ng kakulangan sa transparency at iregularidad sa bidding.

Giit ni Lao, dapat ilantad ng lungsod ang kontrata sa consulting firm at ang structural report sa lumang city hall, kasabay ng pagkuwestiyon sa feasibility study ng proyekto.

“Hindi kailangan ng demolisyon, retrofit lang ang solusyon. Sayang ang P9.6 bilyon,” diin niya, sabay banat na maaaring may political agenda ang timing ng proyekto.

Kinuwestiyon din niya ang mabilisang bidding process at ang pagkapanalo ng kumpanyang MTD Philippines na umano’y walang tamang lisensya sa Pilipinas.

Sa sagot ni Mayor Sotto, iginiit niyang available sa Pasig website ang kontrata at bukas siyang ipakita mismo kay Lao ang lawak ng proyekto, na hindi lang isang gusali kundi isang 2-ektaryang redevelopment.