May 1, 2024

Kontrata ng Comelec sa Miru System para sa 2025 National and Local Elections, pinahaharang sa Korte Suprema

Hiniling ng isang dating kongresista sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang kontratang nilagdaan ng Commission on Elections sa automated elections service provider na Miru Systems

Naghain ng petition sa Kataas-taasang Hukuman si Dating Caloocan City Representative Edgar Erice na naglalayong harangan ang implementation para sa ₱18-B contract ng Comelec sa Korean firm.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Erice na kailangang maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction ang Supreme Court upang mapawalang-bisa ang naturang kontrata.

Ayon kay Erice, dating chairman ng Congressional Committee on Suffrage nakagawa ng grave abuse of discretion ang Comelec nang agad ibigay sa Miru System ang kontrata, wala rin aniyang Kongresista na inabisuhan ang Comelec upang sumaksi sa inspeksiyon ng mga pasilidad ng MIRU.

Samantala kasabay ng paghahain ng petisyon, inihayag ni Erice na pinag-aaralan niyang kasuhan ng impeachment si Comelec Chairman George Erwin Garcia at iba pang opisyales ng Comelec na lumagda sa kontrata sa MIRU.

Ayon sa dating mambabatas, batay na rin ito sa desisyon ng Korte Suprema na nagsabing nakagawa ng pag-abuso ang COMELEC sa isinagawang bidding na pumabor sa kumpanyang MIRU

Sinabi pa ni Erice na may warranty ang nasa 97-libong counting machines hanggang November 2023 pero bago pa ito napaso ay idineklara itong unserviceable ng COMELEC

Nalugi aniya ang gobyerno dito dahil nakasaad sa kasunduan sa Smartmatic na obligado ang naturang kumpanya na maglaan ng piyesa para sa mga biniling makina

Nilinaw  ni Erice na hihintayin muna niya ang kahihinatnan ng petisyon sa Korte Suprema laban sa kasunduan ng COMELEC sa MIRU bago niya isusulong ang reklamong impeachment.