June 25, 2025

Kelot, tiklo sa baril at shabu sa Caloocan

SWAK sa selda ang isang kelot nang mabisto ang dalang baril at droga makaraang isumbong sa pulisya ng lalaking na kanyang pinagbantaan sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Congressional Police Sub-Station 9 sa Brgy. 171, nang lumapit si alyas “Bennie”, 33, at isumbong ang ginawang panunutok at pagbabanga sa kanya ng isang lalaki.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga pulis hanggang sa mamataan nila ang isang lalaking tumutugma sa iniulat ng biktima kaya kinompronta nila ito at sinabihan na huwag umalis.

Sa halip na sumunod, tumakbo ang suspek para tumakas na dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang sa magawang makorner at maaresto dakong ala-1 ng madaling araw.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek na si alyas “Fred”, 27, ang isang kalibre .45 pistol na kargado ng limang bala sa magazine at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P47,600.

Ayon sa pulisya, sasampahan nila ang suspek ng mga kasong Grave Threats (Art. 282), Resistance and Disobedience (Art. 151), Illegal Possession of Firearms and Ammunitions (RA 10591), at Possession of Illegal Drugs (Sec. 11, Art. II, RA 9165) sa piskalya ng Caloocan City.