December 24, 2024

Kelot na wanted sa rape, buking nang magwala at pumalag sa mga pulis

TIMBOG ang 29-anyos na vendor na wanted sa kasong rape matapos magwala at manlaban sa pulisya nang sitahin sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City.

Inamin ng akusadong si alyas “Pacheco”, residente ng Brgy. 176 Bagong Silang kay Caloocan Police Sub-Station-12  Commander P/Maj. Edsel Ibasco na may kaso siyang panggagahasa sa menor-de-edad na kaanak na naganap noong taong 2022 nang makakuha ang pulisya ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Raymundo Guma Vallega ng Brach 130 na may petsang Abril 2, 2023 laban sa kanya.

Sa kanyang ulat kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, sinabi ni Maj. Ibasco na nagsasagawa sila ng checkpoint sa Zabarte Road, Lunes ng gabi nang sitahin ng kanyang mga tauhan si Pacheco sa ginagawang paninigarilyo sa pampublikong lugar na paglabag sa umiiral na ordinansa.

Iisyuhan lang sana ng ordinance violation receipt si Pacheco pero pumalag sa pulisya kaya binitbit siya sa presinto pero doon lalung nagwala at nanakit pa ng mga pulis ang suspek kaya ipinasok siya sa selda.

Sinabi ni Maj. Ibasco na isinilbi nila kay Pacheco nitong Martes ang arrest warrant laban sa kanya sa loob na ng selda ng Sub-Station 12 at ito ay bukod sa isasampa nilang mga kasong physical injuries, direct assault at resistance to disobedience to a person in authority sa akusado dahil sa pagwawala at pananakit sa kanyang mga tauhan.