December 23, 2024

Kelot na nasita sa ordinansa, buking sa P113K droga

ARESTADO ang 45-anyos na lalaki nang mabisto ang dalang mahigit P.1 milyong halaga ng shabu makaraang takbuhan ang mga pulis na mag-iisyu sa kanya ng tekit dahil sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station (SS-11) sa Robes 1, Brgy., 175, Camarin nang matiyempuhan nila ang isang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar dakong alas-11:45 ng gabi kaya nilapitan nila ito.

Nang tanungin ang kanyang pagkakilalan para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay pumalag umano ang suspek at tumakbo kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner at maaresto.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek na si alyas Buboy ang isang plastic sachet na naglalaman ng aabot 16.7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P113,560.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.