November 25, 2024

Kelot na most wanted sa murder sa Caloocan, nasilo

SHOOT sa kulungan ang isang lalaki na listed bilang most wanted dahil sa kasong pagpatay matapos masakote sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado bilang si Jeffrey Arfon alyas “Bokbok”, 24 ng Barangay 171, Bagumbong, Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NDP) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ng impormasyon ang Station Intelligence Section (SIS) ng Caloocan police na naispatan ang presensiya ni Arfon sa kanilang lugar.

Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, agad nagsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PMAJ John David Chua, kasama ang Bagumbong Police Sub-Station, 4th MFC-RMFB NCRPO at Northern NCR Maritime Police Station ng joint manhunt operation sa Tierra Nova, Barangay 171, Bagumbong, dakong alas-11:30 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto kay Arfon.

Ani PMAJ Chua, si Arfon ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 128 ng Caloocan City. (JUVY LUCERO)