November 2, 2024

Kelot na matapang, tepok sa parak

Isang armadong lalaki na hinahamon ang sinumang makita ang namatay matapos barilin ng rumespondeng parak makaraang pagbantaang barilin ang mga pulis sa Valenzuela city, kahapon ng madaling araw.

Si Charlie Cardona, nasa hustong gulang ay idineklarang patay ng Valenzuela City Risk Reduction and Management Office Rescue team sanhi ng tama ng bala sa leeg.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, bago naganap ang insidente, unang nakatanggap ng tawag dakong 2:30 ng madaling araw ang Marulas Police Sub-Station 3 mula sa mga barangay tanod at ipinaalam ang hinggil sa isang lalaki na armado ng baril kung saan pinagbabantaan at hinahamon ng away ang sinumang kanyang makasalubong sa F. Bautista Street Dulo, Brgy. Marulas.

Nang respondehan nina P/Cpl Reynold Panao, P/Cpl Erickson Barrera at Pat Romel Acas ang naturang lugar, naabutan nila ang suspek na walang suot pang-itaas habang may bitbit na baril dahilan upang utusan siya ng mga pulis na bitawan ang baril, itaas ang kanyang mga kamay at sumuko ng maayos.

Gayunman, hindi pinansin ng suspek ang mga pulis at sa halip ay itinutok nito ang kanyang baril sa mga parak kaya’t napilitan si PCpl Panao na paputukan siya na tinamaan sa leeg.

Sinabi nina police investigators P/MSgt. Herbert A Garcia at P/SSgt. Victor Ilustrisimo, narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa suspek ang isang caliber .38 revolver na kargado ng anim na bala chamber.