December 26, 2024

KELOT ISINELDA SA SHABU AT ICE PICK SA VALENZUELA

Himas-rehas ang isang 43-anyos na lalaki matapos mabisto ang dala niyang ice pick at shabu makaraang masita dahil sa hindi pagsuot ng face mask sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PLT Armando De Lima, hepe ng Sub-Station 6 ng Valenzuela police ang naarestong suspek bilang si Cyril Garcia, 43 ng Hulo St., Esteban Kaliwa, Brgy  Dalandanan.

Ayon kay PCpl Glenn De Chavez, dakong alas-6:30 ng gabi, nagsasagawa ng anti-criminality ang SS6 sa pangunguna ni PSMS Roberto Santillan sa kahabaan ng Hermoso St. Dalandanan nang mapansin niya ang suspek na walang suot na face mask kaya sinita niya ito para isyuhan ng ordinace violation receipt (OVR).

Sa halip na sumunod, tumakbo ang suspek na naging dahilan upang habulin siya ni PSMS Santillan hanggang sa makorner at maaresto.

Nang kapkapan, narekober sa suspek ang isang ice pick at isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may standard drug price P2,040. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at BP 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) in relation to Comelec Resolution Number 10728.