BAGSAK sa loob ng rehas na bakal ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa kanyang bahay sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/Gen. Rizalito Gapas, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas Oman, 24, residente ng lungsod.
Base sa ulat ni Marulas Police Sub-Station (SS3) Commander P/Capt. Noelson Garcera kay Col. Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pag-iingat ng suspek ng hindi lisensyadong baril kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.
Nang makakuha sila ng kopya ng search warrant na inisyu ni Valenzuela City Regional Trial Court Branch 16 Executive Judge Mateo B Altarejos na may petsang October 4, 2024 para sa paglabag sa RA 10591 ay agad bumuo ng team si Capt. Garcera saka sinalakay ang bahay ng suspek dakong alas-4:00 ng hapon.
Sa bisa ng naturang search warrant, hinalughog ng mga tauhan ni Capt. Garcera ang bahay ng suspek sa Bai Maresas, R. Val St., Marulas at nakuha nila ang isang kalibre .22 revolver na kargado ng Isang bala at dalawang basyo ng bala.
Nang walang maipakita ang suspek ng papeles hinggil sa legalidad ng naturang baril ay inaresto siya ng pulis saka binitbit sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kasong paglabag sa Section 28 of R.A. 10591 sa Valenzuela City Prosecutor’s office.
More Stories
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA
Matinding hamon kina GM Laylo at Dableo ang Sta. Maria Town Fiesta Chess Challenge sa Peb. 2
2 tulak, tiklo sa Malabon drug bust