Maganda araw mga ka-Agila, isang mapagpalang araw sa inyong lahat.
Hayaan nyo po akong bansagan na “cowboy” riders sa halip na tawaging “kamote” riders ang ating mga motorcycle driver na umula’t umaraw, mula umaga hanggang gabi ay nasa lansangan upang kumita para sa kanilang mga pamilya.
Simula Agosto 1, 2023, masasampolan na kasi ang mga kawawang “cowboy” rider sa implementasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng multang P1,000 kapag sila ay nahuling nagkukumpulan sa ilalim ng mga tulay sa lansangan o hiway.
Inutos na ni MMDA acting Chairman Romando Artes na paghuhulihin ang lahat kawawang “cowboy” riders kung sisilong ang mga ito sa ilalim ng mga overpass o footbridges sa EDSA, at iba pang kalsada sa Kalakhang Maynila.
Katwiran ni Artes, bukod sa nagdudulot ng masikip na daloy ng trapiko sa EDSA at major roads, nalalagay rin sa peligro ang buhay ng mga rider at angkas nito.
Hindi naman umano ipinagbabawal ang pansamantalang paghinto sa ilalim ng overpass at footbridges kung isusuot ang kapote ng mga rider at babatse din sila kaagad.
May motorcycle lay-by areas daw na nakatalaga para hintuan ng mga rider, pero kung abutan sila ng ulan na malayo pa sa lay-by areas, pupunta pa ba sila roon? malabo ata yun acting chair!
Kung tutuusin, hindi natin masisisi ang mga rider dahil ayaw lang nilang mabasa ang sarili at kanilang pasahero pati na rin maiwasan ang madisgrasya sa madulas na kalsada kapag umuulan.
Asan ang lohika sa pagpapataw ng multa? Mapipigilan kaya nito ang pagsilong ng maraming kawawang “cowboy” riders kung malakas ang buhos ng ulan at bumabaha pa.
Kung sa tingin ni Chair Artes ay mali ang diskarte ng mga rider kapag maulan, bakit pa pagmumultahin? Pagsabihan na lang at bigyan ng tsansa na magpatila ng ulan.
Tumpak po ang gagawin ng MMDA na maglagay ng emergency lay-by areas sa ilalim ng mga flyover sa EDSA at C-5 bukod pa sa pagtatayo ng designated shelters o tents para sa mga rider.
Kinondena naman ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang kautusan ni Artes dahil sa tingin nila ay hindi makatao at anti-poor na pagmumultahin at pagbabawalan ang riders na pansamantalang sumilong sa ilalim ng overpass at footbridges tuwing umuulan.
May punto naman si Rep. Gutierrez nang sabihing hindi nila tinututulan ang intensiyon ng MMDA ngunit sana po plantsahin muna nang mabuti ang nasabing penalty para hindi magmukhang kawawang “cowboy” ang mga rider.
Ang mga kawawang “cowboy” rider ay naghahanap-buhay lang po ng maayos at nagbabayad din sila ng buwis na pang-sweldo sa mga kawani at opisyal ng gobyerno.
****
May mali ba kung gagawing spokesperson ng MMDA ay isang maganda at seksing aktres? Maganda sana ang intensyon ni Atty. Artes na i-hire ang Kapamilya actress na si Ria Atayde bilang bagong tagapagsalita ng MMDA, pero marami pong motorista ang nagtaasan ng kilay at tila hindi agree sa rekumendasyon ito.
Noong May 19, inanunsyo ni Atty. Artes sa isang press briefing na inirerekomenda nila ang aktres dahil naniniwala siyang malaking asset ang dalaga sa MMDA.
“I personally recruited Ms. Ria Ataye who graciously agreed. I submitted the application, endorsement to Malacañang for Ms. Atayde to be the spokesperson of the MMDA,” ani Artes
Kung kayo ang tatanungin, mga ka-Agila, magiging asset kaya si Ria Atayde sa MMDA bilang new spokesperson? Ano nga ba ang kwalipikasyon ng isang spokesperson para sa MMDA?
Sana naman Atty. Artes, pag-isipan muna ninyong mabuti ang pagpapatupad ng multa laban sa mga kawawang “cowboy” driver at ang pagkuha sa MMDA spokesperson.
Hiling din natin kay Pang. BBM na ipatigil ang kautusan ni Artes dahil hindi nga po ito makatao at anti-poor pa.
Paging 1-Rider partylist Rep. Bonifacio Bosita, ipagtanggol mo naman ang mga constituent mo tulad ng ating pambansang bayani na si Gat Andres Bonifacio. Sayang lang ang boto nila sa partylist mo.
Silipin natin ang portfolio ng MMDA chairman, si Atty. Artes po ay isang certified public accountant, nagsilbing MMDA Assistant General Manager (AGM) for finance and administration noong May 2017. Matapos ito ay naging General Manager noong November 2021 sa ilalim ng Duterte administration.
Para sa inyong reaksyon at suhestyon, magpadala lang po ng mensahe sa email address: [email protected].
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA