“Soldiers are made for peace, not for war.”
Ito ang kasabihang maaring nagbibigay kalituhan sa kaisipan ninuman. Dahil papaano nga namang ang isang sundalo ay hinubog para sa kapayapaan kung mula sa kasuotan hanggang sa kagamitan ay tila ba may inaabangan lagi na digmaan.
Sa konseptong ito marahil ang dahilan kaya ilan sa ating mga kababayan ay takot sa mga sundalo.
Kasabay ng kanilang unang hakbang sa pagsasakatuparan ng kanilang serbisyo ay ang matibay na panatang paglilingkuran ang inang bayan maging kapalit man nito ay sariling buhay.
Ganito katatag ang prinsipyo at paninindigan ng ating mga kasundaluhan na hindi mag-aalinlangang kalimutan ang pansariling interes dahil uunahin parati ang kapakanan ng bayan.
Parating isasa-alang alang muna ang paglilingkod sa sambayanan bago pa ang makasama ang kanyang sariling pamilya.
Mula sa banta at masasamang intensyon ng mga terorista at makakaliwa, ang ating mga kasundaluhan ay parati at parating magpoprotekta sa mamamayan sapagkat sila ang tagapangalaga at tagapagpanatili ng ating kapayapaan.
Sila ay sinanay sa giyera bilang kahandaan sakali mang may banta sa ating kapayapaan. Sila ang magpoprotekta sa kanyang nasasakupan sapagkat tungkuling kanyang sinumpaan ang pangalagaan at ipagtanggol ang kanyang inang bayan.
Sa mga banta ng terorista sa ating lipunan, sa bawat mapanlinlang na mga grupong nais maglason ng kaisipian ng kanyang kababayan, sa bawat maling ideyolohiyang itinatanim nila sa mga inosenteng isipan, at sa bawat banta sa kapayapaan sa ating inang bayan, mananatiling matatag ang ating mga kasundaluhan sa pagsasakatuparan ng kanilang sinumpaang tungkulin. Kahit pa ito ay bagaman hindi sila naiintindihan ng mga tao sa kaliwang grupo. Ang mga kaalaman, kasanayan at espesyalisasyon ng ating mga sundalo ay totoo nga namang hinubog sa dahas at matinding pagsasanay. Subalit sa lahat ng kaalamang ito ay ang sinseridad at dedikasyon ng bawat isang unipormado. Ito ay ang mapanatili ang kapayapaan sa ating lipunan nang sa gayon ay tiyak na malalasap ng bawat isa sa atin at ng mga susunod pang henerasyon ang kaunlaran, kasiyahan at tunay na kalayaan. Sapagkat nariyan ang ating mga sundalong nakalaan ang buhay para pangalagaan ito. (PHILIPPINE AIR FORCE)
More Stories
PULIS PATAY SA SAKSAK NG CONSTRUCTION WORKER DAHIL SA SELOS
IKATLONG IMPEACHMENT COMPLAINT ISINAMPA VS VP SARA
ILLEGAL NA PAPUTOK, BANTAY-SARADO NG DTI