November 6, 2024

KASONG PERJURY LABAN SA DALAWANG YOUTH ORGANIZER, IDINISMIS NG DOJ

BAGAMAN nakaligtas sa kasong perjury o pagsisinungaling, hindi pa rin nakalusot sa pananagutang kriminal ang dalawang environmental activists na sinasabing dinukot ng militar.

Sa resolution ng DOJ panel of prosecutors na aprubado ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, sa halip na perjury, grave oral defamation ang nirekomendang isampa sa korte laban kina Jhed Tamano at Jonila Castro, matapos na akusahan ang militar na dumukot sa kanila.

Sa paghahain ng kaso, sínabi ng DOJ panel na walang naipakitang  matibay na ebidensiya ang dalawa na nag-uugnay sa tropa ng AFP, sa kanilang salaysay tungkol sa mga dumukot sa kanila.

Binanggit din sa resolutions na nilabag  nina Tamano at Castro ang kanilang sworn statement o sinumpaang salaysay dahil iba ang kanilang sinabing pahayag noong humarap sa press conference ng militar.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa ni Lt. Col. Ronnel Dela Cruz, ang battalion commander ng 70th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Una nang nanindigan ang smilitar na sumuko sa kanila ang dalawa noong nakaraang taon at nagpakilalang miyembro ng mga militanteng grupo, ngunit  nang humarap sa press conference noong Setyembre ay iginiit nilang dinukot sila ng mga sundalo.