May 8, 2024

CHECKPOINT SINORO NG LASING NA DRIVER; PULIS PATAY, 1 PA SUGATAN

BINAWIAN ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang isang pulis habang patuloy na ginagamot ang isa pang kasama nito na kapwa nagbabantay sa checkpoint makaraang sagasaan umano ng lasing na driver sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo Highway sa Barangay Tutuban 2, Silang Cavite.

 Kinilala ang nasawing pulis na Patrolman John Karl Austria Delyola, 27, residente ng Calamba City, Laguna habang sugatan si Patrolman Adrane Carandang Atienza, 29, ng Brgy. Balagtasin, San Jose, Batangas, kapwa nakatalaga sa 401st A Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion ng Calabaron Police Regional Office (PRO 4A).

Kinilala naman ang driver ng Isuzu D-Max na si Jemuelle Arvee Belen, 22, ng Silang, Cavite.

Ayon sa imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station, bandang alas-3:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa isang checkpoint kung saan nakakatalaga ang mga biktima.

Nabatid na patungong Tagaytay ang lasing na suspek nang bigla na lamang salpukin ng nabanggit na sasakyan ang mga biktima sa nasabing checkpoint.

Napag-alaman na minamaneho ng suspek ang kanyang sasakyan galing sa Tagaytay patungo sa silangan nang pagsapit sa lugar ay sagasaan nito ang mga biktima kabilang ang checkpoint signage.

Dahil dito, kinaladkad at tumilapon ang mga biktima dahilan ng kanilang malalang sugat sa katawan.

Mabilis na isinugod sa Silang Specialist Medical Hospital Center ang dalawa subalit namatay si Delyola.

Naaresto naman ang ang suspek na positibong lango sa alak at sasamphan ng kasong Violation in Drunk Driving Law,  Reckless Imprudence in Resulting to Homicide at Physical Injuries and Damage to Government Properties. (KOI HIPOLITO)