December 24, 2024

KASO LABAN SA NAHULING KASABWAT NG INTERNATIONAL TERRORIST, DADALHIN SA METRO MANILA

Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat sa korte sa Metro Manila mula sa Zamboanga ang paglilitis sa kaso laban sa nadakip na terrorism financing facilitator na si Myrna Mabanza.

Ayon kay DOJ Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon, isinasailalim na nila sa ebalwasyon kung mas mabuting sa Zamboanga gawin ang paglilitis o ilipat ito sa isa sa mga korte sa National Capital Region lalo na’t maituturing na high-profile detainee si Mabanza.

Aminado ang piskal na maaaring hindi sapat ang mga pasilidad sa Zamboanga para ma-secure si Mabanza dahil sa marami rin siyang kamag-anak sa ZambaSulta area.

Naniniwala si Gingoyon na kung sa NCR dadalhin si Mabanza ay masisiguro na magiging mahigpit ang pagbabantay sa akusado sa piitan sa Taguig City.

May mga hukuman din aniya sa Quezon City at Taguig City na nakatalaga para humawak ng mga kaso ng Anti – Terrorism.

Kasama sa mga ikinukonsidera sa magiging desisyon ay ang gastos sa transportasyon ng mga piskal at mga testigo papuntang Zamboanga kung doon ang paglilitis.

Tiniyak naman ng DOJ panel of prosecutors na handa nilang  hawakan ang kaso saan mang hukuman litisin.