HINIHILING ng mga hindi na nagpakilalang pari at mga deboto sagradong katoliko sa lalawigan ng Batangas na manguna ang mga lokal na pamahalaan at mga awtoridad sa pagrespeto at pagbabantay upang hindi masalaula ang mga darating na araw ng kapistahan ng mga Santo at banal na Mahal na Araw o Holy Week.
Ito’y matapos na mapaulat ang mga ginagawang pagsasamantala ng mga nagnenegosyo ng mga iligal na sugal at iba pang gawi na hindi angkop sa mga Banal na Araw na ipinagdiriwang ng mga Katoliko.
Nanawagan din ang mga pari at mamamayan lalo na iyong mga nangunguna sa pag o-organisa ng mga programa sa mga kapistahan na utusang ipatigil pronto ni Calabarzon Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas ang lahat ng uri ng mga masasama at iligal na gawain tulad ng pagsusugal na hindi angkop sa banal na tradisyon ng kapistahan at Mahal na Araw.
Paliwanag nila, maliban umano sa ito ay nakakasira ng buhay at pamilya ito rin ay isang taktika ng diyablo para mapalayo ang mga tao sa kalooban ng Diyos.
Maliban sa mga masamang epekto ng pagsusugal sa tao ay hindi na rin nakaligtas sa mga nagnenegosyo ng iligal na sugal na ilagay ito sa tabi ng munisipyo at istasyon ng pulisya tulad ng “perya-sugalan” na pagmamay-ari ni Ka Tessie Rosales na inilagay sa gilid ng Alitagtag Municipal Hall at Alitagtag Municipal Police Station na ang hepe ng pulisya ay si Police Major Jay Baysa.
Samantalang ang isa pang puesto pijo ni Ka Tessie ay nasa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Ibabao sa bayan ng Cuenca, na ang hepe ay si Police Captain Eduardo Ventura Timbol, meron din sa San Pascual inter-section malapit sa gasolinahan ng Caltex na minamantine ng perya sugalan operator na si Larry Javier, kasosyo din si Ka Tessie, habang ang puwesto naman ni “Mely” ay naroon sa Barangay Muzon at Barangay Manggahan naman ay pinapatakbo ni alyas “Hapon” sa bayan ng San Luis pareho.
Ayon sa ating mga impormante na ilan opisyal sa barangay nagpapatuloy umano ang mga ganitong pagsasamantala ng mga nagpapatakbo ng puesto pijo o perya sugalan dahil sa malaking hatag ng “payola” na ibinibigay sa mga hepe ng pulisya na umaabot ng daan libong piso maliban pa ang sa mga barangay chairman na P150K sa maliit na bayan at 300K sa mga lungsod hindi pa kasama dito ang para sa mga local chief executives ng bawat munisipalidad at lungsod sa Batangas.
Dagdag pa ng mga relihiyosong grupo kung magpapatuloy sa pagiging bulag at taingang kawali o bingi ang mga awtoridad at lokal na pamahalaan ay isasangguni na nila ang kanilang kahilingan sa Office of The President, DILG, Ombudsman at PNP Camp Crame para ito ay masolusyunan. (KOI LAURA)
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA