December 24, 2024

Kapamilya shows muling mapapanood

NGAYON pa lamang ay hindi na maitago ang tuwa ng mga loyalista ng Kapamilya network matapos ianunsiyo ng ABS-CBN ang kanilang blocktime partnership sa Zoe Broadcasting Network Inc.

Simula sa Oktubre 19 ay mapapanood na sa A2Z Channel 11 ang “It’s Showtime” at “ASAP Natin ‘To.”

Back-to-back din ang marathon ng past episodes ng mga teleserye na “Ang Probinsiyano,” “Ang Sa Iyo Ay Akin,” at “Walang Hanggang Paalam,” na tiyak na kinasabikan ng lahat.

Ito pa, magsisimula rin ang mga fresh episodes ng mga ito sa Lunes, Oktubure 12.

Hindi lang iyan, sa susunod na linggo na rin ang pagpapalabas ng public service programs gaya ng “Paano Kita Mapasasalamatan” at “Iba ‘Yan.”

Tiyak na gaganda ang inyong umaga dahil balik ere na ang “Magandang Buhay, mapapabirit ka rin sa “I Can See Your Voice,” at mapapaiyak sa “MMK.”

Madaragdagan din ang iyong kaalaman dahil sa Huwebes ay mapapanood na rin ang ilang educational programs at lalo ka pang gaganahan sa panood sa A2Z channel dahil ipalalabas din dito ang box office movies.

Ayon kay Sherwin Tugna, chairman at presidente ng Zoe Broadcasting Network, hangad ng A2Z na mapunan ang spiritual, information at entertainment needs ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya

Mapapanood ang A2Z channel 11 sa Metro Manila at mga malalapit na probinsiya. Bago gawing A2Z, ang Zoe TV Channel 11 ay isang “Christian, family-oriented and wholesome television and radio broadcasting,” ayon sa website nito.

Matatandaan noong Mayo 5 ay ipinagkait ng 70 kongresista na bigyan ng panibagong prangkisa ang Kapamilya network, pero gumawa ng pamunuan ang ABS-CBN na muling mapanood ang kanilang mga programa sa telebisyon.