December 29, 2024

KAPALPAKAN NI PANGULONG DUTERTE VS COVID 19, MAUULIT (Kapag nanalo si Sara sa pagka-pangulo – 1Sambayan)

Hindi na dapat manalo ang sinumang sa pamilya Duterte o mga kandidato nito sa darating na halalan, ayon kay 1Sambayan convernor Neri Colmenares.

Ito’y aniya ay upang matiyak na matutukan at masosolusyunan ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas na kabilang sa pinaka-worst sa buong Asya.

“Walang dahilan para muling iluklok ang mga Duterte at mga kaanib nito sa puwesto dahil nasaksihan na ng publiko kung paaano tinugunan ng administrasyong Duterte ang COVID-19 kaya hindi na dapat maulit pa ang ganitong uri ng kapalpakan at talamak na korapsyon sa panahon ng pandemya,” ayon kay Colmenares.

Isa sa mga tinutukoy ni Colmenares ay ang bilyong overprice pandemic deals na ngayon ay iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.

Si dating presidential economic adviser Michael Yang ang itinuturing na major player sa naturang imbestigasyon sa ipinagkaloob na kontrata ng PS-DBM sa Pharmally, isang maliit na kompanya na may capital lang na P625,000, pero naging pinakamalaking supplier ng medical supplies sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Samantala, sinabi rin ni Colmenares na si Davao City Mayor Sara Duterte, ay katulad lamang ng kanyang ama na si Pangulong Duterte, na sakaling maupo sa Malacañang ay ipagpapatuloy lamang nito ang incompetence, korapsyon at patayan sa pandemya ng administrasyong Duterte.

Naniniwala rin si Colmenares na poprotektahan lang din nito ang kanyang ama para hindi makasuhan ng korapsyon sakaling manalong Pangulo.

Pinuna rin nito ang hindi maayos na pagtugon ng alkalde sa COVID-19 sa Davao City, mula buwan ng Mayo hindi bumababa ang COVID cases sa lalawigan.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DoH) noong Agosto 28 ay 403 kaso ang naitatala araw-araw, triple ito sa 114 kaso noong Agosto 23 habang mataas din ang COVID deaths.

Bukod sa incompetence ay pinuna din ni Colmenares ang pagsisinungaling ni Mayor Sara partikular sa hindi nito pagtakbo sa presidential election.

“Nagsisinungaling siya gaya ng kanyang ama noong 2015, matagal nang planado ang pagtakbo  nito para sa 2022 Presidential elections. I don’t think Sara is being pushed to run, I think, she really wants to run. Lahat na lang may poster, all over daming poster ng Run Sara, Run. Di ako naniniwalang “pushed” yan, planado yan. Does she want to be president? Yes she wants to be president. Is it good for us to have her as president? No because she will just continue what her father started” giit ni Colmenares.

“Worse, she will protect President Duterte and all those officials involved in corruption from prosecution. Do you want a president who will protect the guilty from prosecution. Sa dinami dami na nilang sinabi on corruption, wala akong alam na nakulong sa ilalim ni President Duterte” giit nito pa nito.

Sinabi pa ni Colmenares na hindi na dapat mapagdala ang publiko sa mga pangako ng mga Duterte, gaya umano ni Pangulong Duterte na sa 10 niyang sinabi ay 20 ang hindi totoo kaya hindi na dapat maloloko pa ang taumbayan.

Minaliit din ng 1Sambayan ang pahayag ni Pangulong Duterte na walang mananalong oposisyon sa 2022 elections. Giit ng grupo, malakas ang posibleng dayaan para paboran ang mga kandidato ng administrasyon dahil sila ang nakaupo sa pwesto ngunit kapag milyon na ang magsasalita sa pamamagitan ng kanilang boto ay mahirap na itong dayain. ABRT