Maganda araw mga ka-Agila, isang mapagpalang araw sa inyong lahat.
KALBARYO ang mararanasan ng mga commuter na umaasa sa mga jeep at mass transportation sa Metro Manila at karatig probinsya sa susunod na ilang taon.
Sa Lunes, July 24, isasagawa ng grupo MANIBELA ang tatlong araw na tigil-pasada kasabay ng ikalawang State of the Nation Address(SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Pahayag ni MANIBELA chairman Mar Valbuena, kasado ang paralisasyon ng byahe ng mga jeepney simula sa Hulyo 24 hanggang Hulyo 26 para tutulan ang patuloy na pagsusulong ng Marcos administration sa PUV modernization program na magpi-phase-out sa mga tradisyunal na jeep.
Hindi naman nagpatinag ang grupo sa banta ni LTFRB chief Teofilo Guadiz III na papatawan nila ng parusa ang mga driver at operator na lalahok sa tigil pasada, kabilang na ang pagbawi ng prangkisa, ang mga jeepney drivers na lalabag sa batas.
Nakalulungkot lang na mawawala na ang tinaguriang “hari ng kalsada” na tradisyunal jeep kung matutupad ang pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista na hanggang December 31, 2023 na lang ang mga ito, kapalit ng mga modernong jeep daw na hindi naman mukhang jeep kundi mga mini-bus na kung saan kumikita rito ang mga manufacturer.
‘Yung hinihingi natin sa Pangulo na siya na po mismo magsabi sa kaniyang Secretary na ‘yung aming prangkisa ay maibalik sana sa limang taon,” hirit ni Valbuena.
Una nang sinabi ni Valbuena na inaasahan nilang aabot sa 200,000 hanggang 300,000 public utility jeepneys (PUJs) ang lalahok sa tigil-pasada nila mula sa siyam na rehiyon sa bansa.
Kalbaryo rin ang mararanasan ng mga commuter ng Philippine National Railways mula sa Tutuban hanggang sa Calamba, Laguna at ang ruta mula Manila hanggang Malolos.
Isinarado na kasi ang ruta ng Alabang-Binan ng Philippine National Railways simula nitong July 16, Linggo para bigyang daan ang konstruksyon ng North-South Commuter Railways (NSCR).
Katwiran ni DOTr Usec. Cesar Chavez, base sa pag-aaral ng mga consultant, makakatipid ang gobyerno ng P15 billion sa tigil-operasyon ng PNR para mas mabilis ang pagtatayo at hindi naire-relocate ang mga utilities dahil sa mismong linya ng PNR gagawina ng bagong riles at mga istasyon.
May ideddeploy raw na mga bus na bibigyan ng special permits ng LTFRB para magbyahe sa mga apektadong ruta ng PNR. Sana lang sapat ang mga ito para di magreklamo ang mga kababayan natin.
Ang NSCR ay binubuo ng 35 stations at may haba na 147 kilometro. Aabot sa 600-libong pasahero kada araw ang maseserbisyuhan ng PNR. Inaasahang matatapos ang pagtatayo ng NSCR sa loob ng 5 hanggang 6 na taon. Posibleng magkaroon ng partial operations sa huling bahagi ng 2026 o sa unang bahagi ng 2027.
******
Matinding kalbaryo naman ang nararanasan ng libu-libong motorista at mga pasahero na bumibyahe sa Zambales, Tarlac, Pampanga sa pagsasara ng Pasig-Potrero Bridge nitong July 16, Linggo dahil sa pagbaha ng lahar mula sa Mount Pinatubo bunsod ng malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Dodong.
Inirereklamo ng mga motorista ang sobrang trapik sa Angeles City patungo ng NLEX dahil lahat ng uri ng sasakyan ay doon nagsisiksikan.
Kasabay pa nito ang byahe ng mga truck mula alas-9 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Sa public advisory ng NLEX at SCTEX management, ipinatupad ang temporary closure ng SCTEX Pasig-Potrero Bridge dakong alas-3:30 ng hapon para sa kaligtasan ng mga motorista at precautionary safety measure. Apektado nito ang northbound at southbound lanes sa pagitan ng Clark at Subic sa Pampanga.
Nagsasagawa na ang mga tauhan ng SCTEX ng safety inspection sa tulay hanggang maideklarang ligtas sa mga motorista ang pagdaan dito.
Samantala, pinapayuhan ang mga apektadong motorista na gumamit muna ng mga alternatibong daan patungo sa kani-kanilang mga destinasyon.
Ang mga motoristang galing sa Maynila patungong Subic ay maaaring dumaan sa NLEX San Fernando Exit, diretso sa Jose Abado Santos Avenue hanggang Subic exit; habang ang mga motorista mula naman sa Tarlac patungong Subic ay maaaring dumaan sa SCTEX patungong NLEX San Fernando exit diretso sa Jose Abad Santos Avenue hanggang Subic.
Habang ang Class 1 vehicles naman ay pwedeng lumusot sa SCTEX-Clark South Exit patungong Friendship Highway, diretso sa Angeles-Porac Junction hanggang makarating ng SCTEX Porac entry.
Ang mga sasakyan namang mula Subic patungong Manila o Tarlac ay maaaring dumaan sa Jose Abad Santos Avenue patungong NLEX San Fernando Entry hanggang sa makarating sa Manila o Tarlac.
Napansin ko rin ang sakripisyo ng mga commuter ng LRT 1 nang sumakay po ako bilang immersion sa loob ng isang linggo nitong Hulyo. Napakainit at siksikan na “sardinas” ang mga kababayan natin sa coaches nito.
Karamihan sa coaches ay tiktik kalawang na, sira ang audio system kaya hindi masyado marinig ang anunsyo ng operator, mahina ang aircon o “air kunwari”. Kulang ang comfort room sa bawat istasyon at kung may CR man walang tubig. Paano kung ang pasahero ay may LBM o naiihi na. Nakupo!
Dapat naman pagbutihin ng LRMC ng Ayala corporation ang operasyon ng LRT 1 na syang inaasahan ng mga Pinoy kaya ibenenta ito ng dating Aquino administration.
Para sa inyong reaksyon at suhestyon, magpadala lang po ng mensahe sa email address: [email protected].
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE