Kumustang muli ang buhay natin mga Cabalen? Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan.
Sapol nang tablahin ng Kamara ang franchise renewal ng ABS-CBN noong Biyernes, mainit-init pa na parang hot cake ang isyu tungkol dito. Kabi-kabila ang panawagan ng ilan na ibalik sa ere ang giant network. May mga artistang nanawagan, mga kilalang indibidwal, mga abogado na nagpapakalap pa ng 6 milyong lagda para maibalik lamang ang istasyon.
Samut saring maramdaming post social media ang nagpapaabot ng pakikisimpatiya sa sinapit ng network. Mayroon din namang mga nagsasabi na nanaig ang batas at pinatumba ang giant network.
Sinasabi nila na laban ng bawat Pilipino ang gipit na kalagayan ng network, lalong-lalo na raw ng mga 11,000 mangagawa na maapektuhan. Gamit ang kanilang mga sikat na artista, ito ang nagsisilbing boses at tinig ng Kapamilya para makuha ang simpatiya ng taumbayan.
Teka nga mga Cabalen. Laban ba talaga ng bawat Pilipino ang ipinaglalaban ng network? Nakikinabang ba tayo diyan? May napala ba tayo sa pagkakasara nila. Sabihin man nating wala! ‘E kung sabihin din nating wala rin tayong mapapala kung nagsara sila.
Maging totoo tayo mga Cabalen, ang laban nila ay laban ng kanilang kompanya. Hindi laban ng bawat Pilipino sa gobyerno. Kapag sila ang sumisigaw, masasabi ba nating demokrasya? Kapag hindi, okay lang? Bakit ba lagi nilang isinasangkalan ang salitang’ paninikil sa malayang pamamahayag o ‘press freedom’ kapag ang ego ng network ang tinatamaan. Pero, pag nakakabanat sila kahit hindi patas, okay na. Iyon na raw ang press freedom.
Pagnilayan ninyo mga Cabalen ang nangyayari. Kailangan ba talaga nating mga Pilipino ang ABS-CBN? Ano ang significance niyan sa buhay natin? Mamamatay ba tayo kapag walang Kapamilya? Lalala ang Covid-19? Magugunaw na ang mundo?
Kung si National Artists for Literature F. Sionil Jose ang ating sasanguniin, hindi aniya talaga kailangan ng sambayanan ang nasabing network. Hindi aniya ito nakagagawa ng goods o foods. Oo nga’t nakakapagbigay aliw daw ito sa milyong Pilipino dahil sa kanilang palabas; subalit, hindi nito naalis ang karalitaan o kahirapan.
Ang sinasabi nilang freedom— ay nagtratrabaho lamang para sa mga mayayaman. Pero, hindi sa lahat ng Pilipino.
Ngayon, tapatan tayo mga Cabalen, magpapaapekto ka ba sa nangyayari sa lipunan na wala namang kinalaman sa iyo kung tutuusin? May pagkakamali ang network kaya dapat nilang ayusin at pagbayaran.
Ngayon, kung sabihin naman ng iba na parang wala namang tayong puso sa mga workers nila na mawawalan ng hanapbuhay, ang babaw nun. Biktima lamang sila ng kapabayaan at pagwawalang-bahala ng mga amo nila. Kung concerned sila, sila ang dapat umayos niyan.
Anuman ang mangyari, tanging Diyos lamang ang nakaalaam ng lahat at kung ano pa ang mangyayari sa mga susunod na araw.
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA