May 18, 2024

Kahit online study okay lang daw… MIKEE QUINTO, KAYANG PAGSABAYIN ANG SHOWBIZ AT PAG-AARAL

BILIB kami kay Mikee Quinto, kahit online lang ang style ng pag-aaral sa ngayon ay pursigido pa rin naman siyang matuto at makatapos para sa kursong architecture. Para sa kanya ay mahalaga ang edukasyon kaya siya nagpupursige na makatapos.

“Pursigidong-pursigido ako sa aking pag-aaral, dahil gusto ko talagang makatapos sa aking kursong architecture. At kapag ako’y nakatapos, gusto ko ang kauna-unahan kong project ay ang aming bahay. Ako mismo ang mag-renovate ng bahay namin, dahil pangarap kong ako talaga ang gumawa ng aming bahay,” ayon kay Mikee.

“Hindi naman ako nagkakaroon ng malaking problema sa aking kalagayan, kaya kong namang pagsabayin ang aking showbiz at ang aking pag-aaral. Time management lang iyan at kung papaano ka mag-adjust sa oras mo,” paliwanag pa ng aktres.

“Mahalaga talaga sa akin ang aking pag-aaral, iba kasi iyong may pinag-aralan ang isang tao. Lalo na sa ating bansa, malaki ang respeto kapag may pinag-aralan ka at nasa kultura na natin na dapat ang prayoridad mo talaga ay ang edukasyon,” salaysay pa ni Mikee Quinto.