January 24, 2025

Kahit may COVID-19… FACE MASK ‘DI KAILANGAN, MAHAL TAYO NG DIYOS – EX-LIPA BISHOP

SINABI ni dating Archbishop Lipa Ramon Arguelles kahapon na hindi na kailangan pang magsuot ng face mask at sumunod sa social distancing kung mayroong pananampalataya at pagmamahal sa Diyos.

Sa kanyang Sept. 23 homily, sinabi ni Arguelles sa mga may pananampalataya na walang dapat ikabahala kung patuloy nilang ikakalat ang pag-ibig sa kapwa at sa nilikha ng Diyos.

“Kung may faith tayo, kapiling natin ang Diyos — matulog man tayo o gising. Ano man ang gagawin natin ay kabutihan (kung) ang Diyos ay lagi nating kapiling, maligaya tayo. May pag-asa at may pag-asa ang tao. Maraming taong nagsabi niyan e kapag nagkatagpo sila ng taong mabuti, naghahasik ng kabutihan, ay may pag-asa ang mundo,” saad niya sa kanyang homily para sa 9 a.m Holy Mass kahapon sa Parish and Shrine of Saint Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.

“At kung may pag-asa, may pananampalataya, may pag-ibig. Sa lahat ng ito, ang pinakamahalaga ay pag-ibig, sabi ni San Pablo at alam yan ni San Padre Pio,” dagdag ng retiradong bishop.

“Tayo ay nagmamahal at kung alam nating mahal tayo ng Diyos at tayo ay nagmamahal sa nilikha ng Diyos, pati kalikasan mahal natin, ang kapwa natin, mahal natin. Pati ang ating sarili mahal natin, ayon sa hindi makasarilinig pagmamahalan; kung nasa atin ang pagmamahal na ‘yan, you don’t have to worry. Wala tayong alalahanin. Kahit wala tayong mask, hindi tayo takot,” pagpapatuloy niya.

Binigyang-diin din ni Arguelles, na hindi na kailangan ng face shield at social distancing dahil mahal tayo ng Panginoon.

“Tayo din naman ay mamamatay. Pero hindi kamatayan ‘yan, mapupunta tayo sa walang hanggan. Pero kung nagtutulungan tayo, gumagawa nang mabuti, hindi na kailangan ng mask. Hindi na kailangan ng face shield, hindi na kailangan ng distancing. Bakit? Mahal tayo ng Diyos at mahal natin siya, at mahal natin ang isa’t isa. We will only do good,” wika ni Arguelles.

Nagbitiw si Arguelles bilang Lipa archbishop noong 2017 matapos ang 13 taong panunungkulan.