January 23, 2025

Kahit may ceasefire… 9 KOMUNISTANG REBELDE PATAY NOONG CHRISTMAS DAY

PATAY sa tropa ng gobyerno ang siyam na hinihinalang komunista noong araw ng Pasko sa kabila ng pagdedeklara ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng dalawang araw na tigil-putukan.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagsagawa ng opensiba ang kanilang Fourth Infantry Division noong Lunes ng umaga laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) – ang armed wing ng CPP – sa mga barangay sa Can-ayan, Kibalabag, Kulaman, at Mapulo, na matatagpuan sa Malaybalay City, Bukidnon.

Nasamsam din ng mga awtoridad ang walong armas mula sa mga miyembro ng NPA.

Una nang nag-anunsiyo ang CPP ng tigil-putukan na magsisimula ngayong Pasko bilang paggunita sa ika-55 aniberasyo nito ngayong araw.

Nitong Disyembre 25, inihayag ng militar na patuloy silang magmamatiyag at magsasagawa ng peacekeeping operations kahit nagdeklara ang CPP ng ceasefire.

Noong nakaraang buwan, napagkasunduan ng administrasyong Marcos at National Democratic Front of the Philippines – ang umbrella organization ng CPP – na ituloy ang peace talks.