November 19, 2024

Kaalaman Tungkol sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP)

Ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay isang mahalagang programa ng gobyerno alinsunod sa Implementing Rules and Regulations ng Administrative Order No. 10 na pinamagatang: Centralizing all Government Efforts for the Reintegration of Former Rebels and Creating for the purpose an Inter-Agency Task Force. Ang E-CLIP ay isang kumpletong package of assistance para sa mga dating rebeldeng kusang nagbalik-loob at muling maging aktibong miyembro ng lipunan. Layunin ng programang ito na maiwasan o hindi maantala ang pagbibigay ng kahit anumang tulong mula sa gobyerno lalong lalo na sa usaping tulong pinansyal para sa mga nasabing dating rebelde.

Ang Philippine Air Force (PAF) o Hukbong Himpapawid ng Pilipinas ay isa sa mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas ng Pilipinas na malugod na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang patuloy na maisagawa ang mahalagang layunin ng E-CLIP tungo sa maigting at masigasig na paghihikayat ng gobyerno sa mga rebelde upang sila ay muling maging aktibong miyembro ng lipunan.

Bilang karagdagan sa mga naunang impormasyong nabanggit, ang PAF ay kaisa ng AFP sa pagbuo ng tinatawag na Joint Task Force na siyang mangunguna sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng gobyerno ukol sa pagbibigay ng kahit anumang tulong o maging tulong-pinansyal para sa mga dating rebeldeng nahikayat na kusang magbalik-loob at masusing paghihikayat sa iba pang mga rebeldeng komunista na gawin din ang pagbabalik-loob sa gobyerno batay sa hangarin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Pagbibigay Impormasyon sa Lihitimo at Wastong Pamamaraan

Ang Philippine Air Force (PAF) o Hukbong Himpapawid ng Pilipinas ay isa sa mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas ng Pilipinas na masugid at taimtim na nakikipagtulungan upang maisakatuparan ang mga programa at proyekto ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino lalong lalo na sa usaping pangkapayapaan at pangkaunlaran.

Sa kasalukuyan, ang PAF ay patuloy na naglulunsad ng mga mahahalagang programang tungkol sa pagpapaigting ng pagbibigay lihitimo at wastong kaalaman sa mga mamamayan ukol sa pagsugpo ng talamak na paghihikayat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o kilala sa tawag na CPP-NPA-NDF upang sumapi sa kanilang hanay na kung saan ang layunin nito ay pabagsakin ang gobyerno dahil lamang sa umano’y pansariling kapakanan o paniniwalang taliwas sa mga patakaran at programa na ipinatutupad ng gobyerno para sa taumbayan.

Ang ilan sa mga pakay na hikayatin ng CPP-NPA- NDF ay mga mamamayang edad labing-tatlo hanggang tatlumput-lima kabilang dito ang mga mag-aaral, out-of-school youth, kabataang manggagawa, magsasaka o maging young professionals sa paniniwalang ang mga ito ay may malalakas na pangangatawan at matataas na kapasidad upang magampanan ang tungkuling itatalaga sa panahong sila ay matagumpay na mahikayat na maging kasapi.

Kaya naman, ang PAF ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga karatig nitong paaralan para mailunsad ang hangaring kapit-bisig na makapagbigay lihitimo at wastong kaalaman tungkol sa paghihikayat at iba pang aktibidad ng CPP-NPA-NDF nang sa ganun ay mabigyan ng kamalayan ang mga mag-aaral upang sila ay makaiwas sa posibleng panganib na haharapin.

Bilang karagdagan, hangarin din ng PAF na tumugon sa pagpanatili ng malawakang pangkapayapaan tungo sa minimithing pangkaunlaran ng buong bansa.

Impormasyon Tungkol sa Layunin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict

Ang Executive Order No. 70 ay tumutukoy sa “Institutionalizing the Whole-of-Nation Approach in Attaining Inclusive and Sustainable Peace, Creating a National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, and Directing the Adoption of a National Peace Framework”.

Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay nabuo noong Disyembre 4, 2018, alinsunod sa Executive Order No. 70 na inilibas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ang NTF-ELCAC ay isang mekanismo upang siguraduhin ang mabisa at epektibong implementasyon ng “Whole-of-Nation” Approach ng gobyerno, na kung saan ito ay naglalayong talakayin ang mga naaayong paraan sa pagsugpo sa patuloy na paghihimagsik ng mga komunista sa Pilipinas na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon sa Executive Order No. 70, ang Whole-of-Nation Approach ay isang polisiya ng gobyerno tungkol sa pagkamit at pagpapanatili nang inklusibo at epektibong malawakang pangkapayapaan sa Pilipinas. Ito ay binuo upang tugunan ang ugat ng mga insurhensiya, panloob na kaguluhan at tensyon, at iba pang tunggalian at mga banta sa pamamagitan ng pagbibigay-priyoridad at pagsasama-sama ng paghahatid ng pangunahing serbisyo at panlipunang pag-unlad ng gobyerno upang isakatuparan ang usaping pangkapayapaan.

Ang Philippine Air Force (PAF) o Hukbong Himpapawid ng Pilipinas ay isa sa mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas ng Pilipinas na malugod na nakikipagtulungan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang maisakatuparan ang mabisa at epektibong implementasyon sa nasabing polisiya hinggil sa usaping pangkapayapaan. Sa katunayan, ang PAF ay patuloy na isinasagawa ang mga inisyatibo o mahahalagang programa ng gobyerno tungkol sa pagpapaigting ng pagpapatupad ng mga hakbanging pangkapayapaan sa Pilipinas at isa na nga rito ang masigasig na paghihikayat sa mga kasapi ng CPP-NPA-NDF na magbalik-loob sa gobyerno at makiisa ito sa pagtugon tungo sa malawakang kapayapaan sa Pilipinas.