November 24, 2024

Journalist Rico Hizon, mga kapatid na babae kinasuhan ng kuya

NASANGKOT sa away pamilya si broadcast journalist Rico Hizon at kanyang mga kapatid na babae kaugnay sa kanilang mana, matapos silang sampahan ng kasong estafa ng kanilang nakatatandang kapatid sa Angeles, Pampanga.

Ayon sa ulat, nagsampa ng dalawang bilang ng kasong estafa – na kinasasangkutan ng mahigit sa P760 milyon – ang kanilang kuya na si Ernesto laban sa dating anchor ng CNN Philippines at kanyang mga kapatid na babae na sina Maria Belen Hizon at Bernadette Hizon-Deduque.

Kaugnay umano ito sa mana nila sa ari-arian ng pumanaw na tiyahin.

Matapos maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court Branch 114 laban sa magkakapatid noong Marso 25, agad din umanong nagpiyansa ang tatlo ng tig-P120,000.

Batay sa resolusyon ng City Prosecutor’s Office, kinasuhan ni Ernesto ang kanyang mga kapatid dahil sa umano’y maanomalyang transaksyon sa pananalapi sa pag-aaring kompanya ng kanilang pamilya na Morlan Realty Corporation, kung saan mayroon silang share na 0.007% bawat isa.

Samantala, nagmamay-ari naman ng 96% ng kabuuang shares ang kanilang namatay na tiyahin.

Pinuna ni Ernesto ang P60 milyong advance na ibinigay sa kanyang tatlong kapatid noong 2018, at P760 milyon naman noong 2021.

Natuklasan din umano ni Ernesto na batay sa mga financial statement para sa 2018 na nakuha mula sa Securities and Exchange Commission, na sa kabila ng kinita na halagang P968,780,768, walang dibidendo na idineklara ang board of directors at management ng korporasyon.

Pawang mga miyembro umano ng board of directors ang tatlong dinemanda.

“Purportedly because they have reserved P803 million of the retained earnings for expansion,” saad pa sa resolusyon.

Ani Ernesto, hindi umano pinansin ang paulit-ulit niyang mga demand kaya nagsampa na siya ng kaso.

Sinabi naman ng mga prosecutor na ipinaalam kay Rico at sa kanyang dalawang kapatid na babae ang hinggil sa reklamo laban sa kanila ngunit bigong magsumite ang mga ito ng ebidensiya na magpapatunay na walang katotohanan ang bintang sa kanila.