Naglabas ng isang seryosong babala ang Embahada ng Japan sa Pilipinas para sa seguridad ng kanilang mga mamamayan matapos ang dalawang magkahiwalay at marahas na insidente ng nakawan sa Metro Manila noong ika-24 ng Enero, 2026.
Sa unang insidente na naganap bandang alas-11:00 ng umaga sa Barangay San Dionisio, Parañaque City, isang 62-anyos na Japanese national ang naging biktima ng marahas na pananambang habang naglalakad sa tabing-dagat.
Ayon sa ulat ng kapulisan, pinukpok ang biktima ng kahoy sa likuran ng ulo na nagresulta sa malubhang pinsala kabilang ang skull fracture, mga pasa sa mukha, at pagkakahati ng tainga. Tinangay ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng tinatayang ₱30,000, ¥30,000, smartphone, at pasaporte.
Mabilis namang tumugon ang Parañaque City Police Station at sa pamamagitan ng CCTV footage ay natukoy at nadakip noong ika-26 ng Enero ang suspek na kinilalang si Ariel Alido, isang 49-anyos na vendor.
Nahaharap na ang suspek sa reklamong robbery with violence sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sa kaparehong araw, bandang alas-10:00 ng gabi, isa pang Japanese national ang hinaras sa Mandaluyong City malapit sa SM Megamall.
Ayon sa biktima, habang lulan siya ng isang ride-hailing taxi ay pinalibutan ang sasakyan ng anim na motorsiklo.
Tinutukan umano siya ng baril ng mga suspek at nang tangkaing manlaban ay paulit-ulit siyang sinuntok sa mukha bago mabilis na tumakas ang mga salarin.
Dahil sa mga insidenteng ito, mahigpit na pinayuhan ng Embahada ng Japan ang kanilang mga residente at turista na maging mapagmatyag sa paligid.
Binigyang-diin sa advisory na sa oras ng nakawan, unahin ang personal na kaligtasan at huwag nang manlaban upang maiwasan ang malubhang pinsala o panganib sa buhay.
Kinumpirma rin ng Philippine National Police (PNP) na patuloy ang kanilang operasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga lokal at dayuhang bisita sa bansa.
