HINATULAN na ng Sandiganbayan ang umano’y mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles at dating Cagayan de Oro representative Constantino Jaraula.
Sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan First Division ngayong Biyernes, Pebrero 5, napatunayang guilty sa graft at malversation sina Napoles at Jaraula dahil sa umano’y pagbulsa sa hindi bababa sa P20.8 milyong Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas.
Hinatulan din si Jaraula ng 3 counts ng direct bribery.
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Edgardo Caldona, na sinang-ayunan nina Associate Justices Efren dela Cruz at Geraldine Faith Econg. Ito rin ang division na bumoto ng 3-2 para maabswelto si Senator Bong Revilla sa kanyang plunder case.
Nahatulan sina Jaraula at Napoles ng 3 counts of graft at 3 counts ng malversation, aabot sa 6 hanggang 18 taon ang sistensiya ng kada 1 count ng kanilang kaso.
Nakakulong ngayon si Napoles at binubuno ang kanyang sistensiya matapos mahatulan ng plunder case ni Revilla. Nakakulong din siya dahil sa nakabinbing pagdinig sa plunder case nina Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile, at iba kaugnay pa rin sa pork barrel scam.
Maging sina Ma Rosalinda Masongsong Lacsamana, Belina Concepcion, at Marlene Encarnacion ay nahatulan din ng 3 counts ng kada graft at malversation.
Lusot naman sa kaso sina Francisco Figura, Marivic Jover at Maurine Dimaranan.
Nagsilbi namang saksi sa kasong ito ang whistleblower na si Benhur Luy. Sa naturang pagdinig, sinubukang pahinain ni Napoles ang kredebilidad ni Luy matapos nitong maipanalo ang kaso na illegal detention sa Court of Appeals.
Inabswelto ng CA si Napoles noong 2017 matapos ang manipestasyon ni Solicitor General Jose Calida na pabor sa businesswoman.
More Stories
Tulak, kalaboso sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Malabon
Driver, arestado sa baril sa Malabon
80K NANAY MAKAKATANGGAP NG P350 MONTHLY SA ILALIM NG EXPANDED 4Ps – DSWD