SINIMULAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghahanap sa papalit sa puwesto ng nagbitiw na si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at CEO Ricardo Morales, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III ngayong Huwebes.
Sa isang press briefing Laguna kasabay ng paglulunsad ng COVID-19 mega quarantine facility, sinabi ni Duque na ngayong linggo ay malalaman kung sino ang ipapalit kay Morales.
“Si Pangulo right now is already looking for a replacement. So ang pinupuntirya natin sana within the week sana po ay magkaroon na ng bagong pangulo at punong tagapagpatupad ang PhilHealth,” ayon kay Duque.
Nagbitiw si Morales matapos payuhan ni Duterte na bumaba sa puwesto dahil sa kanyang medikal na kondisyon.
Ayon kay Duque, na siya ring tserman ng Philhealth board, ang hinahanap ng Office of the President ay may karunungan sa pamamahala ng pananalapi.
“Ang tagumpay ng PhilHealth ay nakasalalay po sa tinatawag nating actuarial sustainability,” saad ni Duque.
“Ngayon kung maalam din sa accounting, mas magaling. Kung mayroon din siyang background sa legal, magaling din. So ito ang mga katangian na hinanahap ng Office of the President para sa susunod na pangulo ng PhilHealth,” dagdag pa niya.
Patuloy na ginagamot ang retitiradong heneral ng military dahil sa lymphoma at naghain din ito ng medical leave habang ang PhilHealth ay may kinakaharap na iba’t ibang imbestigasyon dahil sa alegasyon ng malawakang korapsiyon sa sistema nito.
Inatasan din ni Duterte ang Department of Justice na pangunahan ang inter-agency task force na imbestigahan ang mga opisyal ng PhilHealth.
Kabilang sa iniimbestigahan ang umano’y overprice na kagamitan ng IT; ang kuwestiyunableng pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Interim Reimbursement (IRM) ng korporasyon; at ang umano’y manipulasyon sa financial status ng korporasyon.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna