December 23, 2024

ISKO MORENO MAY PAYO SA MGA MANILEÑO: ‘DON’T LET ANYONE CHANGE YOUR CHARACTER’

“Don’t let anyone change your character because they wanted to, because they are better than you,”

Ito ang isa sa mga ibinilin ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa lahat ng mga kawani, opisyal at mga dumalo sa huli nitong pagdalo, bilang punong ehekutibo ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa ginanap na flag rasing ceremony sa Kartilya ng Katipunan ngayong araw.

“Be humble, but be firm on what you believe. Respectful but firm, respect them but always protect your character. You don’t have to change it para mag-fit sa gusto ng iilang tao na bilib na bilib sa kanilang sarili. Believe in yourself,” giit ni Yorme.

“Always give value to yourself, iba iba lang tayo ng status pero lahat tayo ay may halaga. Always protect your character, no matter what is the cause,” dagdag pa ni Yorme.

Umapela din si Domagoso sa Manilenyo na suportahan din nila ang papalit sa kanya bilang Alkalde ng lungsod na si incoming Mayor Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.

“Pumanatag kayo, kayang kaya niyang gawin at gampanan ang kanyang tungkulin. I believe in her, people in Manila believes in her, and we must help and support our incoming Mayor,” ani Domagoso.

Tiniyak naman ni Domagoso na kahit hindi na siya ang Alkalde ng lungsod ay maaari pa din siyang “available” sakaling kakailanganin ang kanyang tulong.

“Umasa naman kayo na nandiyan lang ako sa gedli, bandang wakali, bandang nanka, minsan sa kodli. I make myself available if needed,” ayon kay Domagoso.

Sa ngayon aniya ay naniniwala naman si Domagoso na kayang-kayang patakbuhin at ipagpatuloy ang mga nasimulan sa Maynila nina Mayor Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, mga konsehal at Congressman sa nasabing lungsod.

Matatandaan na una nang binanggit ni 2nd District Congressman Rolan Valeriano na magpapahinga lang ng konting panahon si Mayor Isko Moreno bago mag-isip na muli ng maitutulong sa administrasyon para magtuloy-tuloy pa ang kaayusan sa Maynila.

Ibinatay ni Valeriano ang kanyang paniniwala sa katotohanan na si Yorme pa rin ang lider ng Asenso Manilenyo kaya’t hindi siya puwedeng mawala kapag nagpulong-pulong ang mga opisyal at miyembro nito para sa mga hakbanging makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga Manilenyo.  

Samantala, matapos ang flag raising ceremony ay pinangunahan nina Domagoso at Lacuna ang “unveiling ceremony” sa karagdagang bagong “art piece” sa Lagusnilad at matapos nito ay dumiretso sila sa Museo Pambata upang silipin ang Bahay Kubo version 2.0 nito.