December 25, 2024

ISA PANG OPISYAL NG PHARMALLY MAY 5 LUXURY CARS – GORDON


IBINUNYAG ni Sen. Richard Gordon nitong Miyerkoles sa ika-siyam na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang limang mamahaling at magagarang sasakyan na nakarehistro kay Ros Nono-Lin, treasurer ng Pharmally Biological Corp.

Ayon kay Gordon, ipinarehistro ang nasabing luxury cars na may halagang P38 milyon na pagmamay-ari ng Pharmally executive sa iba’t ibang address, isa sa Quezon City, dalawa sa Forbes Park sa Makati at dalawa sa Dasmariñas Village, nasa sakop rin ng Makati.

Itinanggi ni Nono-Lin ang anumang koneksyon niya sa pagitan ng Pharmally Pharmaceuticals at Pharmally Biological at sinabing hindi siya sangkot sa anumang business transaction sa Pharmally Pharmaceuticals, ang kompanyang sinasabing nagkamal ng bilyong halaga sa biniling medical supplies ng pamahalaan kahit maliit lang ang kapital na pera.

Bukod dito, nauna nang ibinunyag ni Gordon ang mga mamahaling sasakyan nina Linconn Ong, Mohit Dargani at Twinkle Dargani, mga opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals Corp.

Sinabi rin ni Gordon na mas marami pang mabubunyag sa pagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee hearings, kabilang na ang umano’y money laundering scheme.

“Lalabas pa itong mga ibang kumpanya na sinabi ko, tapos lalabas na talaga ‘yung money laundering aspect,”saad ni Gordon.

Napag-alaman sa Senate Blue Ribbon Committee na umabot sa P12 bilyon halaga ng kontrata ang iginawad ng Pharmally Pharmaceuticals.