November 3, 2024

Ipinambibili ng alak at droga | ISKO SA PUBLIKO: MGA PALABOY ‘WAG BIGYAN NG LIMOS

Kuha mula sa MPD PIO

NAKIUSAP si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko at mga motorista na iwasan nang magbigay ng limos sa mga street dwellers sapagkat hindi raw ito nagbubunga ng magandang resulta sa katagalan.

Ito’y matapos masagip ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) sa ilalim ni General Rolly Miranda at Manila Department of Social Welfare na pinamumunuan ni Re Fugoso ang mahigit sa 700 street dwellers  o mga palaboy.

Kabilang sa mga nasagip ay may mga tama pa ng alak at droga.

“Marami sa kanila ay may paraphernalia ng drugs. Hindi namin sila naaktuwalan pero may mga paraphernalia sila ng iligal na droga. Maganda ang ginagawa ninyo pero hindi siya nagdudulot ng mabuting resulta sa pangmahabaan.  Iwasan ninyong mamigay ng pera kasi, bagamat hindi lahat, pero karamihan sa kanila ay ipambibili lang ng all alak at rugby, pati shabu ang perang ibinibigay ninyo,” saad ng alkalde.

Hindi rin aniya maintidihan kung bakit mas pinipili ng iba na manatili sa lansangan at tumakas sa Manila Boystown Complex gayung pinapakain naman sila ng tatlong beses sa isang araw, may komportableng silid, may mga gatas para sa mga bata at maganda ang kapaligiran ang naturang gusali.

Isinailalim din sa rapid test ang mga nasagip ng MPD at MDSW para matiyak na wala silang COVID-19.

“Tumatakas sila kasi ang gusto nila ay pera. Para may pambili ng alak, rugby at droga. Hindi po namin gagawin. May dalawang milyong taga-Maynila na kailangan naming tugunan. ‘Wag nyo po silang bibigyan ng pera, para hindi tayo nakakakita at mapamihasa.  ‘Yung iba, totoong walang bahay pero karamihan sa kanila ay meron at mula sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila pero dito sila natambay kasi tayong taga-Maynila ay mababait,” saad ni Moreno.

    Dagdag pa niya: “Hayaan nyong igiya ko kayo…dalhin nyo sa gobyerno ng Maynila and we will make sure na ang inyong kabutihang-loob ay makukuha ng mga tunay na nangangailangan. Minsan kasi, ang kabaitan n’yo ay siya namang  pagsasamantalahan na di naman nakabubuti para sa kanya.”

Iginiit din ni Moreno na alam niya kung gaaano kahirap maging mahirap, ngunit nais niyang ilagay sa tama ang lahat.