November 3, 2024

Inuman sa Malabon naging madugo nang mauwi sa saksakan

NAGING madugo ang masayang inuman matapos saksakin ang isang 36-anyos advertising installer ng kanyang kainuman nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Nasa kritikal na kalagayan ngayon si Crispelito Cebreno ng Sitio 6 Dumpsite, Brgy. Catmon na isinugod ng kanyang live-in partner sa Lorenzo Ruiz General Hospital bago inilipat sa Tondo Medical Center kung saan ito inoobserbahan sanhi ng saksak sa kaliwang bahagi ng katawan.

Ayon kay Malabon police chief P/Col Jessie Tamayao, kaagad namang naaresto ng rumespondeng pulis ang suspek na si Rolando Vinluan, 55 subalit hindi narekober ang patalim na ginamit sa pananaksak sa biktima.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, alas-8:20 ng gabi, nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa loob ng bahay ng huli nang mauwi ang dalawa sa mainitang pagtatalo hanggang sa magsuntukan ang mga ito.

“Palaging nagkakaroon ng pagtatalo ang mga iyan kapag nag-iinuman, tapos naaayos naman pero kapag nag-inom ulit, nauungkat yung kanilang mga lumang pinagtatalunan,” ani Sgt. Baroy.

Nang maramdaman ng suspek na natatalo siya sa suntukan ay kumuha ito ng patalim at inundayan ng saksak sa katawan ang biktima. Sa kabila ng tinamong saksak, nagawang makatakbo ng biktima palabas hanggang sa makahingi ng tulong sa kanyang live-in partner.